Home | Archives

Bakit Puro Ako Interbyu, Wala Namang Job Offer?

Aminin na natin, madalas nakakahina ng loob ang paghahanap ng trabaho. Kahit matagal ka nang nagtratrabaho, mararamdaman mo pa rin ang pagkawala ng determinasyon kapag nakarami ka na ng interbyu pero wala pa ring offer ang mga kumpanya. Ang mas masaklap pa dito, madalas hindi mo rin malalaman ano ang nagagawa mong mali sa mga interbyu kasi hindi rin ito sinasabi sayo ng mga kumpanya.

Gabi-gabi, taimtim mong pinagdarasal na makakuha ang inaasam-asam mong tawag galing sa mga kumpanya – ang tawag na nagsasabi na, sa wakas, nakakuha ka na ng trabaho. Pero, paano kung medyo matagal na at wala ka paring nakukuhang tawag? Paano rin kung interbyu ka nang interbyu pero di ka napipili ng mga kumpanya?

Maitatanong mo sa sarili mo, "Bakit puro ako interbyu pero wala namang offer? Ano ginagawa kong mali?"

Mahirap sabihin pero kung puro interbyu ka lang, siguro ay may nagagawa kang mali. Pero huwag mag-alala, tutulungan ka ng Kalibrr matiyak kung ano nga ba nagagawa mong mali.

Tinatakalay ng artikulong, “3 Reasons Why You Keep Getting Interviews, But No Offers” ni Lily Zhang ng The Muse ang mga posibleng dahilan kung bakit puro interbyu ka lang pero walang offer.

Kung wala ka talagang nakukuhang interbyu:

Kung nagprepresenta ka ng resume sa maraming kumpanya pero wala kang makuhang interbyu, malamang may mali o hindi kaakit-akit sa iyong resume.

Una sa lahat, tignan mo muna kung nababagay ang iyong mga kredensyal sa trabahong hanap mo. Dahil kung hindi ka papasa sa kuwalipikasyon o kailangan ng posisyon, malabo talaga na tatawagan ka. Pero kung sa palagay mong nababagay ka sa posisyon, maaaring may mali sa pagkaayos mo ng resume o cover letter.

Siguraduhing ang bawat resume at cover letter na gawin mo ay naaayon sa posisyon na gusto mo. Kung masyadong malawak ang saklaw ng mga ito at kulang ng detalye, iisipin ng mga kumpanya na hindi mo pinagisipan ng maayos ang paggawa nito. Suriin din ng mabuti kung may mga mali sa balarila nito.

Pangalawa, subukan mo ring maghanap ng trabaho sa iyong mga kakilala o sa networking gaya ng social media. Medyo nakakailang at nakakaasiwa gumamit ng networking pero sa paraang ito, makakahanap ka ng mga trabahong hindi nababalita sa publiko at mapaparating mo rin sa kanila na kuwalipikadong aplikante ka. Kailangang buksan ang iyong isip sa mga bagong paraan ng paghanap ng trabaho.

Kung hindi ka makalampas sa unang interbyu

Kung naiimbita ka sa maraming interbyu, kapansin-pansin ang iyong resume dahil gusto ka nila makilala. Pero marahil ang pagpresenta mo ng sarili mo sa unang pasada ng interbyu ay di kanais-nais kaya hindi ka naaanyaya sa mga kasunod na interbyu.

Kung sa opisina man o sa telepono lang ang interbyu, kinakailangang maipresenta mo ang sarili mo na pinakaangkop sa posisyon. Hindi ka puwedeng umasa lamang sa iyong resume para maiparating ang iyong kagalingan. Hinahanap rin ng mga kumpanya ang isang aplikanteng may magandang paguugali. Ito ang kanilang hinahanap sa mga interbyu. Dapat makita ng mga kumpanya na hindi ka lang matalino at kuwalipikado pero maganda rin ang ugali mo.

Maipapahiwatig mo ito nang mabuti kapag magsanay ka nang maiigi. Madalas paulit-ulit lang ang mga tinatanong ng mga kumpanya kaya pwede mong paghandaan ito. Maghanda ka ng mga katanungang sa tingin mo itatatanong sa interbyu at magsanay nang mabuti. Kapag nakapaghanda ka, hindi mo na kinakailangang mag-alala sa mga posibleng itanong ng HR. Magkakaroon ka ng tiwala sa sarili mo dahil alam mong kayang-kaya mo sagutin ang mga katanungan. Mababawasan ang iyong kaba at mapagtutuunan mo ng pansin ang mabuting ugnayan sa HR.

Kung hanggang panghuling interbyu ka palagi

Kung lagi kang naiimbitahan sa interbyu, ibig sabihing maganda ang iyong resume at cover letter at nagustuhan ka ng HR tuwang nagiinterbyu kayo. Pero bakit di ka napipili para sa mga posisyong gusto mo?

Sa huling yugto ng interbyu, madalas ang tinitignan na ng mga kumpanya ang kung ano ang pagkakaintindi mo ng iyong magiging trabaho at kung ano ang pagkakaintindi mo ng gagampanin ng iyong papel sa pangkalahatan ng kumpanya. Gusto lang nila malaman kung kaya mo gampanin ang lahat ng kinakailangan.

Kailangan mong saliksikin nang mabuti ang mga kumpanyang gusto mo. Siyasatin ang kasaysayan at kultura ng kumpanyang gusting pasukin upang maintindihan mo rin kung ano ang magiging papel ng posisyon mo sa kanilang industriya. Sa mga interbyu, magtananong ka tungkol sa personal na ugnayan ng mga tao sa kumpanya para malaman mo kung nababagay ang ugali mo sa kanilang kultura.

Nais rin malaman ng Human Resources na gustong-gusto mo talaga ang trabahong ito kaya dapat ipakita mo ito ng maigi. Ipakita mo na interesado kang malaman ang lahat ng puwedeng malaman tungkol sa kumpanya at ang mga taong makakatrabaho mo dito.

Ngayon, mayroon ka ng mas malinaw na ideya kung ano ang mga nagagawa mong mali tuwing interbyu. Kung ang mali mo ay nasa resume, sa unang interbyu o sa huli, mahalagang matiyak mo kung ano ito para mabigyang pansin mo ito at maayos para sa mga susunod na interbyu.