Home | Archives

Paano Nagawa ni Marc Maging Marketing Head sa PLDT?

Kapag nag-umpisa ka nang magtrabaho pagkatapos mo sa kolehiyo, matututunan mo na hindi madali ang daan para sa tagumpay. Sa saya man o lungkot, kung anu-anong pagkabaluktot ng daan, ang karaniwang pag-akyat sa pinakatuktok ng corporate ladder ay batay sa kakayahan mong magsipag.

Habang nagkakarandapa ang karamihan ng mga fresh grad sa umpisa ng kanilang pagtatrabaho, may nabubukod na iba na nangunguna sa lahat, kahit sa umpisa pa lang ng mga career nila.

So paano nga ba nagiging bihasang propesyonal ang isang walang karanasang fresh grad? Kinausap ng Kalibrr si Marc Roxas, isang 26-taong Trade Marketing Head sa PLDT SME Nation na sakop ang mga fixed at wirless business ng PLDT, Sun, at Smart. Trabaho niya ang turuan ang kanyang mga sales team tungkol sa mga teknikal na mga detalye ng higit 80 produkto ng PLDT SME Nation, at sa pagtutulak sa kanyang mga teams sa pamamagitan ng mga marketing programs. Si Marc mismo ang namamahala sa kanyang team na binubuo ng anim na tao, at siya rin ang nangangasiwa ng mga trabaho ng halos 300 hanggang 500 tauhan sa sales.

Okay talaga 'yan para sa isang tao na kakagraduate lang noong nakaraang apat na taon. Ito ang kuwento ng kanyang pag-asenso.

Pagpilit sa bagong larangan

Hindi madaling matanggap ng mga ibang graduates na ang mga degree nila ay walang kinalaman sa kanilang mga pinapangarap na trabaho. Matagal nang gusto ni Marc magtrabaho sa marketing o sa landas ng teknolohiya, pero nagtapos siya ng AB Economics sa Ateneo de Manila University. Inaamin niya na malayo talaga ang economics sa trabahong gusto niyang gawin. Kahit natuwa siya sa pag-aaral ng economics, hindi pa rin nawala ang pangarap niyang magtrabaho sa marketing. Hindi niya matanggal sa isipan niya ang pangarap na ito. Tatanungin niya ang sarili niya, "Paano nga ba ako makakapasok sa marketing?"

Nakakaakit na manatili na lang sa isang trabaho na mukhang angkop sa iyong pinag-aralan, pero nagpursigi si Marc makapasok sa trabahong trabahong hinahangad niya. "Pinilit ko ang sarili ko sa marketing," sabi ni Marc. Kahit hindi kailangan mag-internship sa kurso niya, naghanap siya ng marketing internship sa PLDT upang makakuha ng karanasan.

Bilang product marketing intern para sa bagong-buo na grupo ng PLDT, malaya siyang gumawa ng mga bagay na labas sa mga pangkaraniwang gawain ng mga intern, tulad ng pag-photocopy, pag-encode ng mga impormasyon, at iba pa. Naibabad siya sa tunay na trabahong pangkorporasyon at napayagan pang mangasiwa ng mga proyekto na mas kumplikado sa mga nagagawa ng mga karaniwang intern.

"Narito ako ngayon dahil lahat ng mga pagkakataon na binigay sa akin, sinigurado ko na hindi ko sasayangin," Dahil sa kanyang bukod-tanging gawa bilang intern, nabigyan siya ng full-time na trabaho sa product marketing. Binigyan ng PLDT si Marc ng mga pagkakataon na makapagtrabaho sa tatlong uri ng produkto, kung saan siya nalinang maging isang propesyonal sa marketing.

Paggamit ng Economics sa Marketing

Malaking hamon ang lumipat sa bagong larangan. Pero kahit walang kinalaman sa marketing ang major ni Marc, isang mahalagang salik ang kanyang klase sa economics sa kanyang pag-asenso sa trabaho. Dalawa sa pinakaimportanteng aral na natutuo niya sa mga klase niya sa economics ay naging mahalaga sa paglipat niya sa marketing at sa pagiging bukod-tangi sa trabaho.

Una, nalaman niya na ang mga ekonomista, imbes na masagabal sa mga numero, ay dapat gamitin ang matematika bilang instrumento upang mabigyan ng kahulugan ang mundo. Pangalawa, ginamit niya ang prinsipyo ng Ateneo na "down from the hill" ("pagbaba sa burol") sa kanyang mga leksyon sa economics: dapat kaya niyang maipaliwanag ang mga kumplikadong prinsipyo ng economics na kahit ang mangmang ay maiintindihan ang mga konsepto nito.

Dahil sa mga aral na ito, naging mahalagang miyembro si Marc hindi lang sa kanyang mga katrabaho kung hindi pati na rin sa kanyang mga boss. Ani niya, "Sa likod ng pagiging malikhain at ng mga pakulo sa marketing, may mga numero at mga statistics, at doon pumapasok ang economics." May angking galing siya sa pagpapaliwanag ng kwento sa likod ng mga numero na mas madaling naiintindihan ng mga nakatataas. Kung minsan, ang mga teknikal na aspeto ng mga produktong hawak niya ay sakdal sa hirap kung iintindihin ng husto, kaya sinisigurado niya na napapaliwanag niya ang mga ito sa paraan na kahit sino maiintindihan, at nakatulong ang ganitong pag-iisip upang maibenta ang mga produktong iyon.

Ang kaniyang sikreto

Mukhang madali lang makapasok sa PLDT kung si Marc ang batayan, pero dumaan si Marc sa matinding pagsisikap at malupit na kumpetisyon upang marating niya ang posisyong ito. Kinailangan niya pa ring magpursigi upang maintindihan ang kayang mga responsibilidad at magawa ang trabaho nang maigi.

Ayon kay Marc, nakuha niya ang posisyon na Trade Marketing Head dahil sa kanyang tapang at matinding dedikasyon. "Maraming naghahanap ng trabaho na eight (AM) to five (PM) lang. Hindi ganyan ang marketing. Nagsadya talaga ako ng oras upang makipag-ugnayan sa mga sales team ko at sa mga customers namin."

Dahil gusto niyang mapatanuyan ang sarili niya, sinikap ni Marc na angkinin ang mabigat na gawain na pagtulak ng produktong nahihirapan ibenta. Nang nabenta niya nga ito, napansin ng mga nakatataas ang paghihirap niya. Ang kanyang "secret sauce" raw na ginamit niya sa pagbenta sa produktong iyon ang dahilan kung mbakit Trade Marketing Head na siya ngayon.

Hindi umuurong sa hamon si Marc. Nakipaglaban rin siya sa mga mas nakakatanda niyang mga katrabaho sa isang mapusok na kumpanya upang makuha ang posisyong iyon, pero sumuko na ang karamihan sa kanila. Inamin niya na ang isa sa mga problema niya noon ay ang pakikipagtrabaho at pangangasiwa sa mga mas nakakatandang katrabaho. "Kapag ang papel mo ay patas sa mga mas nakakatanda, o pamumuno sa mga mas nakakatanda sa iyo, paano mo sila mapapatrabaho ng nagtutulungan at mapakinig sa iyo?"

Sa kabila ng kanyang pagkabata, nakakatrabaho niya nang matiwasay ang kanyang mga katrabaho, gaano man sila kabata o katanda. Ibinahag ni Marc na nakatulong sa kanya ang paghingi ng tulong at payo sa kanyang mentor. "Walang magsasadyang magturo sa iyo kaya naghanap ako ng pamamatnubay. Natuto ko na hindi ka dapat matakot humingi ng tulong."

Ang nagagawa ng pagiging bukas sa pagkakataon

Nang tanungin siya kung paano siya nabubukod sa iba, pinili ni Marc ang kanyang pagiging bukas sa mga bagong hamon sa kanyang career. "Marunong at masipag naman ang mga ibang tao pero dagdag na trabaho ang turing nila sa mga bagong responsibilidad." Hindi lang simpleng pagtanggap sa bawat pagkakataon na makukuha mo; importante rin ang pagsikap upang makuha ang mga pagkakataong iyon. "Para sa iba kasi, kapag nabigyan sila ng pagkakataon, akala nila dagdag-hirap lang. Oo, magiging mahirap nga at kailangan mong gumugol ng maraming oras, pero ang problema ay nakakalimutan natin ang delayed gratification (pag-antala ng kasiyahan). Kailangan natin magtrabaho upang marating ang inaasam."

Para sa iba, maliwanag kung bagit mahirap magsipag kapag hindi ka naman ginaganahang umasenso. Iminungkahi ni Marc na hanapin mo ang katuwaan sa trabaho mo, kung hindi walang kuwenta ang pagpasok mo sa trabahong iyon. "Dapat maging sining ang trabaho mo para sa iyo. Kung hindi ka masaya, bakit mo gagawin ang lahat na 'yan?" Ang isa pang ginagawa niya kapag nahaaharap siya sa isang 'di malutas-lutas na gawain ay tanungin ang sarili niya, "Ano nga ba ang ikabubuti nito? Paano ako matatuwa sa ginagawa ko?"

Mahirap at nakakapagod ang pagsikap sa career, mas lalo na sa murang edad. Pero ang isang bagay na nakatulong kay Marc na makaakma sa buhay ng isang young professional ay paglimot sa pagpilit na kailangan maabot ang perpektong balanse ng trabaho at katuwaan. Hindi naniniwala si Marc sa work-life balance, at sa halip ay naniniwala siya sa mabuting pagtatakda at pagpili ng mga responsibilidad. Nakatulong ang ganitong pag-iisip sa kanyang buhay, at pinipili niyang gumamit ng "strategic down times" upang makapagpahinga.

Sa hinaharap

Inaamin ni Marc na ang landas ng tagumpay ay punong-puno ng sakripisyo. Ang payo niya sa mga naghahanap ng maagang pag-asenso sa trabaho? Mag-focus sa layunin mo. "Kapag nawala 'yan sa isip mo, baka mawala ka sa landas. Kapag pinili kong pahalagahan ang kumita, mawawala ang pokus ko sa aking career at matutukso akong habulin ang pera."

Ano na ang susunod kay Marc? Plano niyang mag-aral tungo sa isang MBA sa susunod na mga taon, habang tintuloy niya ang trabaho niya sa PLDT. Pero hindi siya nagmamadali. Sa rami ng nagawa niya, hindi magtatagal ay makakamit na niya lahat ng mga pinapangarap niya. Ukol sa kanyang hinaharap, matatag na sinabi ni Marc, "Alam ko na kung ano ang gusto kong maging. Kailangan ko lang malaman kung paano ko mararating 'yon."

Isinalin galing sa Ingles na artikulo ni Krisha Maclang.

I-Follow o i-Like ang Kalibrr sa Facebook, Twitter, at Instagram para sa pang-araw-araw na career advice!